« Home | + » | We have a new Cat! » | Meet my Blog Commentator... » | Love at a Different Angle » | Please Comment on This Parable: "The Kind King and... » | "Flatliners:" Confronting the Issues of the Past a... » | Just do it! » | My Ink Blot Test Result » | On Seeking Humility » | Ironic »

Eksena sa Dyip: a filipino philosophy reflection

Our first reflection paper in Filipino Philosophy...

Eksena sa Dyip
- isang pagninilay -

Ang kathang ito ay di lang paglalahad ng mga karanasan ko sa dyip. Hindi lang ito pamumuna at pagpipintas sa mga kagila-gilalas na mga pangyayari at mga obserbasyon. Ito ay isang tahasang pagbabalak na pagnilayan ang mga umuusbong na kultura, kaugalian at kaasalan ng pinoy sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga napupuna sa mga eksena sa dyip.

Magandang sumakay sa dyip sa may harapan sa tabi ng drayber. Naaaliw ako sa mga nakasulat sa ‘windshield.’ Sadyang hindi nawawala sa bawat dyip ang isang ‘sticker’ na may imahe ng Sacred Heart of Jesus at may nakasulat na “God Bless Our Trip.” Hindi ko alam kung talagang relihiyoso talaga ang mga mamang drayber o sadyang takot lang madisgrasya na gaya ng ginagawa natin, naaalala lang ang Diyos kapag nakikita na ang kalawit ni kamatayan.

Mapapansin din ang iba pang senyales na pagkamaka-Diyos ng mga drayber o may-ari ng mga dyip. Nariyan din ang mga katagang, “In God We Trust,” “Be my guide, O Lord,” “Why you ‘worry’ if you can pray.” Kahit sa ganitong kaliit na paraan, napamamalas pa rin ang pagkamaka-Diyos ng isang Pilipino.

Tunay na seryoso sa pagkayod ang mga drayber. Talagang gusto nilang kumita at magkapera. Talagang pati sa mga ‘stickers’ at senyales nakikita ang mga ito: “Barya lang po sa Umaga,” “Katas ng Saudi,” “God knows Hudas not pay,” “Kunin mo ang buong katawan ko, wag lang ang kita ko,” “Ang hanap ko ay pira at hindi karira,” “Kalimutan na ang lahat, Huwag lang po ang bayad.” Minsan nakapanlalambot na sadya nga bang naghihirap na ang mga Pilipino nang mabasa ko sa dyip ang: “Ang taong nagigipit, sa bading kumakapit.”

Sa kabila ng pagkamaka-Diyos at kasikapan ng ating mga drayber, hindi nawawala ang paboritong ‘hobby’ ng mga pinoy drayber na mapapansin sa mga ito: “Virgin ka ng malasing, buntis ka ng magising,” “Kapag libog ang umiral, sira ang pag-aaral,” at isang drowing na babaeng buntis na may nakalagay na: “Mahal, masdan mo ang ginawa mo?” At ano ang ‘hobby’ na ito? Ang magpatawa.

Minsan naisip kong magturo ng ‘English Grammar’ kahit hindi ako ‘English Major.’ Kahindi-hindik na kasi mabasa ang mga ‘announcements’ ng isang drayber ng dyip sa pasahero. Parang ako ang nahihiya para sa mag nakababasa ng mga ito. Minsan natutukso na akong tanggalin ang mga patalastas na iyon. Sino ba naman di mababagabag sa mga ganitong nakasulat: “Full string to stop driver” at ang “before pay, tell where get the on before get the off.” Wala pa diyan ang “Don’t close to me, close to God.”

Sa pagkainip ko sa traffic, nililibang ko na lang ang sarili ko sa mga ‘stickers’ at ‘signs’ na ito. Ito pa lang, ang dami nang gustong sabihin sa kung sino at ano ba ang pinoy.

Wala pa diyan ang mga samut-sari kong karanasan sa loob ng dyip. Sadyang ang mga tao talaga, walang pakialam dahil ba sa hindi kakilala ang mga tao. Nariyan ang marinig mo ang mala-telenobelang kuwento ng katabi na para bang kung mag-usap ang dalawang magkaibigan ay sila lang ang tao sa dyip. Minsan nga gusto ko na ngang sumabat sa kwentuhan nila lalo na kapag nakaka-relate ako. Pero kapag inaantok na ko, para bang gusto kong dukutin ang mga lalamunan nila.

Nariyan pa ang isang lalaking ang kapal talaga ng mukha para humawak pa sa sabitan ng dyip gayong hindi naman gumagamit ng ‘deodorant,’ habang pinaamoy sa mga katabi ang halimuyak ng kanyang kili-kili.

May mga pasahero naman na ang hirap turuan kung paano umupo. May mga pasahero kung umupo ay para bang pang-dalawang tao ang binayaran. May mga babaeng kung umupo naman ay nakalihis, walang pakialam kung ang katabi niya ay kalahating pwet na lang ang naluluklok. Meron din mga lalaking kung maka-upo ay halos mangingimi kang tumingin sa kanya dahil sa laki ng pagkakabukaka.

Sa dyip ko naranasan ang pakiramdam ng mga isda sa lata ng sardinas. Na kailangang ipagsiksikan ang siyam kahit na sa hanay mo ay may dalawang dambuhalang nakasakay.

Si mamang drayber kung minsan bingi. Limang beses ka nang pumara, hindi pa rin humihinto. Kailangan pa ng isang malakas na ‘choir’ na sisigaw ng “para” at saka pa lang niya maririnig na may gusto nang bumaba. Pero nakaka-‘touched’ kapag lahat ng pasahero sumasabay sa iyo sa pag-para. Hindi mo talaga alam kung ‘concerned’ sila sa iyo o baka naman gusto lang nilang bumaba ka na dahil nasisikipan na sila.

Sa dyip nagiging ‘flexible’ ang mga pinoy. Natututo sila na mag-adjust sa kapwa. Natututo sila na umunawa ng iba. Hindi natin namamalayan na sa loob ng dyip may karanasang paghuhubog din palang nangyayari. Marami na akong narinig at nabasang mga nakakatuwa, nakakinis at nakakaaliw na kuwento pang-jeepney. At sa mga kuwentong ito, sa mga karanasang ito, bagamat iba-iba, nagkakaroon ng pag-uugnay sa ating lahat bilang mga Pilipino. Kaya nga kapag umalis sa bansa ang isang pinoy, ang mga karanasan at kuwento sa jeepney ay isa sa mga hindi maaaring makalimutan.

Sa dyip sari-sari ang mga karanasan. Sari-sari ang mga katatawanan. Sari-sari ang mga pagpapakilala sa kung sino ba ang Pilipino at kung paano mag-isip at umasal ang Pilipino.



nakakatawa naman itong sinulat.. nakakatawa dahil totoong nangyayari naman ito sa lipunan..

minsan, pag nakakarelate tayo sa isang istorya, napapaiyak at napapatawa tayo...

kaya siguro ito ang nararamdaman ko dahil sa makakatotohanang pangyayaring ito sa pang-araw-araw...

Post a Comment

About me

brodiz

Location:
Calamba, Laguna, Philippines

I am a pilgrim by life's occupation, an accountant by bachelor's degree, a Tarlaqueño by place of birth, a Salesian by specific vocation, a teacher by profession, a student by formation, a writer by passion, a youth minister by life's mission, a son of God... My Philosophy of Life: "To be is to become" "To be is to hope"

Speak Out!

Welcome!

Your IP Address is:

Blogroll

Powered by Blogger

A Pinoy Blogger

PinoyWebSights Topsites List

Blog Directory

blog search directory

Blog Directory & Search engine

Pinoy Topsites

Pinoy Top Blogs | Ranking the Philippine Blogosphere

Blogarama - The Blog Directory Blogarama - The Blog Directory